Sa Loob ng Bus, Isang Hapon
Pat V. Villafuerte
Hinataw ko ang dalawang saklya na nakasandal sa punong mangga. Itinindig ko ang mga iyon at aking sinalubong si Luz.
“Kanina ka pa?” ang tanong ni Luz.
“Hindi pa gaanong natatagalan,” tugon ko. “Tayo na.”
“Hindi ka ba nahihirapan sa ginagawa mo? Araw-araw ay sinusundo mo ako. Ang laki na ng molestya ko sa iyo, a.”
“Ikaw nga ang inaalala ko, e. Baka naaasar ka na sa kakasundo ko sa’yo.”
“Naku, hindi,” ang tanggi ni Luz. “Mabuti nga’t nasasabayan mo ako sa pag-uwi. Mahirap yatang mag-abang ng dyip. Saka mahilo man ako sa sasakyan ay may sasaklolo sa akin.”
Tiningnan ako ni Luz. Lumungkot ang kanyang mga mata.
“Mabuti ka pa, hindi ka nakakalimot. Di tulad ng ibang taong kilala ko,” ang sabi ni Luz.
Alam ko ang pinatutungkulan ng huling pangungusap ni Luz. Si William, ang mahigpit kong karibal sa panliligaw sa kanya. Ni minsan hindi siya nasundo nito sa paaralang kanyang pinagtuturuan.
Tuwing hapon ay sinusundo ko si Luz. Tutal ay pareho kaming taga-Gagalangin. Iisa rin ang pook na aming pinagtatrabahuhan. Isa siyang guro sa paaralang Arsenio Lacson at ako naman ay isang dibuhista sa isang printing press sa San Rafael Village.
“Siyanga pala, wala rin lamang pasok bukas ay pumunta ka naman sa bahay. May ipapadrowing ako,” Pakiusap ni Luz.
“Ang ate mo?” ang bati ko.
“Nasa loob. Kanina ka pa hinihintay. Naroon din si William.”
Parang may kung anong bagay na tumarak sa puso ko. Bumukas ang pinto. Sinalubong ako ni Luz na nakangiti.
“Tuloy ka, Ric. Teka’t kukunin ko sa drawer ang aklat na pagkokopyahan mo.”
Nang lubusang mabuksan ang pinto ay tumambad sa aking paningin ang inaasahang kong magiging panauhin ni Luz, si William. Naka-t-shirt ito ng murang asul at nakamaong.
“O, bakit hindi ka maupo? Itong si Ric, oo. Heto ang tatlong drawing na kokopyahin mo,” sabay abot sa isang makapal na aklat.
Tumingin si Luz kay William. “William, si Ric,” ang sigaw nito. “Iyan ang Amorsolo ko, baka akala mo?”
“Kamusta ka, William?” bati ko.
Sa halip na ako’y sagutin ay nagsindi ito ng sigarilyo. Di na kaila kay Luz ang pamumutla ko. Napayuko ako at nagsimulang gumuhit.
Lumabas si Luz at pagbalik niya’y dala-dala ang inihandang spaghetti.
“Mamaya mo na simulan ‘yan, Ric. Halika na’t sumabay ka na sa amin ni William.”
Kinuha ko ang saklay. Tumindig ako at lumapit sa kinaroroonan ng dalawa. Kitang-kita ko nang kumbatan ni William si Luz na wari’y inuutusan ang dalaga na abutin sa kanya ang inumin. Nang akmang dudulutan ako ni Luz ng spaghetti ay di ako nagdalawang-isip. Kinuha ko agad ang pinggan.
“Ako na lang,” wika ko.
“Sige, mapilit ka, e’” Tugon ni Luz.
“Kamusta ang trabaho mo sa bangko?” ang bumasag ng katahimikan.
“Mabuti. Kaya lang ay baka hindi ako makatagal,” ang sagot ni William na may himig-pagmamayabang.
“Bakit naman? Ang taas ng sahod mo roon, a?” ang tanong ko.
“Palautos ang executive vice-president ng bangkong pinaglilingkuran ko. Panay ang tawag, panay ang utos. Ayaw ko sa lahat iyong minamanduhan ako, e. Kung Mama ko, hindi ako mapakiusapan, siya pa?”
Napangiti si Luz kay William. Napakagat-labi ito. Ibinaling niya ang tingin sa akin. Humahanap ng kasagutan ang mga matang iyon.
“Maalaala ko. May tatlo akong passes sa Fort Santiago. Maganda ang labas sa PETA ngayon. Manood tayong tatlo,” ang anyaya ni William.
“Naku, kayo na lang. Baka makagambala ako,” tanggi ko.
“At sa palagay mo naman ay papayagan akong umalis ni Inay kung hindi ka kasama?” ang tanong sa akin ni Luz. “Sumama ka na. Teka’t magbibihis ako. Magpapaalam na tuloy ako kay Inang. Nasa kabilang kwarto siya.”
Nang makaalis si Luz ay nanatili ang katahimikan sa sala. Kapwa kami nagpapakiramdaman ni William. Waring naiilang siya sa pagkakapunta ko kina Luz. Naisip ko tuloy na napilitan lamang siya na ako’y anyayahan dahil di papayag ang nanay ni Luz kung di ako kasama. Ako lamang kasi ang pinagkakatiwalaan ng kanyang ina.
Ilang sandali ang lumipas ay lumabas na si Luz. Lalong lumutang ang kanyang kagandahan sa dilaw na bestidang suot niya.
“Tayo na,” anyaya ni Luz.
Sa daan ay halatang-halata ko na sadyang binibilisan ni William ang paglalakad. Ako nama’y tila isang asong nakabuntot. Nakadama ako ng pagkahabag sa aking sarili. Ngunit paano ko matatanggihan si Luz? Paano?
Maging sa loob ng bus ay maagap na nakahanap ng upuan si William para sa dalawang tao. Magkatabi sila ni Luz. Ako nama’y naiwanang nakaupo sa bandang likuran.
Sa loob ng bus ay sarisaring mga alalahanin ang umuukilkil sa aking diwa. Naisip ko maging sa anumang labanan ay namumuro si William sa pag-ibig ni Luz. Patok na patok, wika nga. Magandang lalaki si William, mataas ang pinag-aralan, may matatag na hanapbuhay at kilala sa lipunan ang kanyang mga magulang. Samantalang ako, isang karaniwang dibuhista lamang sa mumurahing printing press. Hindi nakatapos ng pag-aaral, anak-dukha, at higit sa lahat ay pilay.
Di naglipat-saglit, ang pampasaherong bus ay napuno. Isang babaeng buntis ang sumakay, akay-akay ang dalawang gusgusing bata. Nagpipilit itong makipagsiksikan upang makahawak sa barasan ng bus.
Kitang-kita ko nang kumbatan ni Luz si William. “Tumayo ka naman William. Baka mapanganak pa yan ng di oras,” ang pakiusap ni Luz.
“Pwede ba Luz? Ang hirap naman sa babaeng iyan, e. Alam nang puno ang bus ay nagpipilit pa ring sumakay. At nagsama pa ng mga bata. Ako ang walang kagana-gana sa mga bata.”
Muli kong itinindig ang saklay. Nilapitan ko ang buntis na babae.
“Dito na kayo umupo, Misis,” ang alok ko.
Nagtama ang mga mata namin ni Luz. Nadama ko ang kanyang matinding pagkahabag sa akin. Maya maya’y nilingon niya ang konduktor.
“Mama, sa bus stop po. Bababa na kami,” ang kanyang sabi.
“Aba, nasa Zurbaran pa lang tayo, Luz. Malayo pa ang Fort Santiago. Nananaginip ka ba?” ang tanong ni William.
Huminto ang bus.
Nilingunan ako ni Luz. “Dito na lamang tayo, Ric.”
“Sandali lamang, Luz. Sasama ako,” ang pagpipilit ni William.
“Talagang manhid ka, William. Kanina, sa loob ng bus ay nakita mo ang paghihirap ng isang buntis. Ngunit ano ang iyong ginawa? Sa halip na paupuin mo ay nagbulag-bulagan ka. Hindi ka ba nahihiya kay Ric? Higit ang iyong lakas kaysa kanya ngunit siya ang nakaunawa sa pangyayaring iyon.”
Napayuko ako. Damang-dama ko ang naghaharing pagkahabag sa akin ni Luz.
“Paano kung tayong dalawa ang maging magkapalaran at mabuntis ako, kaiinisan mo rin? At paano kung dumami ang ating magiging anak, mawawalan ka rin ng gana?
“Dinaramdam ko rin, William. Ngunit ang eksenang naganap kanina sa loob ng bus ay higit na makabuluhan kaysa anumang mapapanood natin sa Fort Santiago. Mabuti’t hangga’t maaga ay nakilala kita.”
Tumalikod si William nang hindi na nagawa pang magpaalam. Inayos ko ang aking dalawang saklya. Inalalayan ako ni Luz sa paglalakad. Nang sumandaling iyon naging magaan para sa akin ang paglalakad. At marahil sa susunod na mga araw ng pagsundo ko sa kanya ay makadarama ako ng mga kakaibang kaginhawaan.
:] End muna
0 comments:
Post a Comment