Showing posts with label Pilipinas. Show all posts
Showing posts with label Pilipinas. Show all posts

Tuesday, November 1, 2016

Sistemang paikot-ikot

"Anong gusto mo maging pag-laki mo?"

Ito ang karaniwang tanong sa atin noong mga bata pa tayo. Karamihan sa mga sagot natin (o ng mga bata) ay ang maging doktor at nurse para daw makatulong sa may mga sakit. Hindi din naman nahuhuli ang mga gusto maging pulis at sundalo para mapangalagaan ang kapayapaan. May mangilan-ngilan din na gustong maging guro para makatulong sa kapwa. Pero wala sa mga nabanggit ang sagot ko sa tanong na ito noong tinanong ako ng aking lola. 

"Gusto ko po maging Hardinero"

Hindi ko alam kung bakit sila nagtawanan. Gusto ko maging hardinero noon kasi masaya ako kapag nagtatanim kami ng tatay ko ng mga halaman. Gustong gusto ko magdilig at magtanim ng mga gulay noon. Walang arte arte sa sarili kung madumihan man ako. Minsan pa nga ay kinakausap namin ng tatay ko ang mga halaman para tumubo sila ng maigi. Gusto ko maging hardinero kasi gusto ko ang ginagawa ko. Mahal ko ang ginagawa ko. 

Pero ngayon, isa akong Inhinyero at hindi hardinero. Pag-iinhinyera ang kinuha kong kurso dahil malaki daw ang sweldo ng mga inhinyero (na hindi ko pa masabi dahil entry level pa lang ako sa trabaho). Hindi lang naman yun lang ang dahilan kung bakit ko kinuha ang kurso ko. Okey naman ako sa math at physics na pundasyon ng kurso namin. Nakita ko lang ang pangangailangan ng pamilya namin na maaaring matugunan ng malaking sweldo na naghihintay kapag ako ay naging matagumpay na inhinyero.

Napag-iisip ko lang, ganito ba talaga sa third world countries? May mga bagay tayong gustong gawin pero mas nangingibabaw ang mga bagay na dapat nating gawin. Pinapalaki tayo sa idelohiyang kailangan natin mag-aral, kumuha ng kursong mainam, at tumulong sa pamilya. 

Wala namang mali doon. Nasanay na kasi tayo sa ganoong sistema. Ngayon ay nandito na ako. Sigurado akong u-ulit lang ang ganitong sistema hanggang sa susunod pa nating mga apo. Mahirap ang buhay. Kadalasan ay nakukuntento na lang tayo sa ganitong cycle. Pero sa tingin ko, kaya pa naman itong baguhin basta malaman lang natin ang ugat nito.

Para sa kaso ko, tingin ko ang kakulangan din talaga sa pinansyal na aspeto ang ugat kung bakit ako kinaen ng sistemang ito. Hindi ko naman masisi ang mga magulang ko. Utang na loob ko pa din ang nairaos nila ang pag-aaral naming magkapatid sa tulong na rin ng mga mababait na taong nagbigay ng suporta sa amin. Isang bagay lang ang nakikita kong kulang sa amin. Kulang kami sa kaalaman sa tamang pag-iipon. Napupunta lang lahat sa gastusin sa pang-araw-araw ang lahat ng perang kinikita ng pamilya namin. Walang maayos na emergency fund na masasabi ang aming pamilya. Siguro ito rin ang karaniwang karanasan ng mga Pilipino. Sabi nga ng matatanda "Ubos-ubos biyaya. Maya-maya ay nakatunganga". Nasanay tayo sa utang-bayad na sistema, Hindi pa man natin nakukuha ang sweldo natin ay naipangutang na natin ito. Pero gaya nga ng sinabi ko, marahil ay kulang tayo sa kaalaman sa tamang pag-iipon. 

Sa ngayon, nagsisimula na akong mag-aral tungkol sa kung paano ko ba matatamasa ang sinasabing "financial freedom". Nagsisimula kong aralin ang tamang pag-iipon sa pamamagitan ng pag-babasa sa mga akda ng mga eksperto. Marami akong pangarap at ayokong manatili sa ganitong sistema. Lalo't higit, ayokong manahin ng magiging anak ko ang ganitong kaugalian. Tuturuan at imumulat ko siya sa tamang pag-iipon para sa ganun, matupad niya ang sasabihin niyang "pangarap niyang maging". Naniniwala naman ako na kaya nating lahat ito. Sabi nga, ang pag-babago ay nagsisimula sa ating sarili. Simulan na natin ang bagong sistema!

Tuesday, October 26, 2010

Pagbabago


Pagbabago...

Sabi nga sa nakaraang post ko eh walang permanente kundi pagbabago. At obviously bago din ang lay-out ko dahil gusto ko ng pagbabago. Kasabay din ng pagbabago ng layout na ito ay ang pagbabago ng background music dito sa blog ko. At bago nga pala ako magkwento eh gusto ko po ipaalam na tinanggal ko lahat ng widgets ko dati--ibig sabihin lahat ng nawala sa blogroll ko feel free to message me at my chatbox. I'll link you back. Sorry. Need lang eh. Nagloloko kasi ang itsura kaya nireset all ko.

Anyways, Pagbabago. Pagbabago.

Kanina, naglalaba ang aking tatay ng punda ng unan at nung mag-aalmirol na siya eh sabi niya hindi raw siya makahanap ng gawgaw. sabi ko naman ng walang halong biro "Bakit walang gawgaw? nageleksyon lang nawalan na ng gawgaw sa mga tindahan?" Honestly seryoso ako pagkasabi ko niyan. saka lang nag-sink-in sa utak ko na nakakatawa pala yung sinabi ko matapos mag-sitawa ng buong pamilya ko.

Kaya pala walang gawgaw kasi daw konti na lang daw ang gumagamit nun ngayon. oo nga naman nuh?

Since napasok na ang eleksyon, let me connect na rin ito.

Lahat ng tao gusto ng pagbabago. Sino ba naman ang ayaw diba? At sa kagustuhang ito, ginagawa ng mga tao na magrally at kung anu-anong protesta. Ang tanong may ginawa ka ba para makamit yung pagbabago na yun?

Kahapon? Bumoto ka ba ng bagong barangay at SK leaders ninyo? Ako kasi hindi ako nakapagparegister sa SK. tatakbo pa naman sana akong chairman XD. Anyways, since hindi ako nakaboto, wala akong karapatang magreklamo diba?

Ang hirap naman sa ating mga tao, binigyan na nga tayo ng chance para BAGUHIN eh tinamad pa tayo pumunta at magsakripisyo ng kaunting oras para sa bukas. Kesyo walang pamasahe at tinatamad. Paano naman aandar ang bukas kung ikaw mismo ayaw magsakripisyo ng 10 piso pamasahe? Paano naman sisipagin ang bukas na gumanda kung ngayon pa lang botohan ay tinatamad ka na?

Diba? Isipin niyo, tayong mga tayo ang nagkakanda-labas ang litid sa pagsigaw ng pagbabago pero mismong mga bilbil natin ang lumalaki sa kakaupo na lamang at hindi pag gawa ng aksyon?

SIGE MAGREKLAMO KAYONG HINDI BUMOTO. Ang kapal na ng mukha natin nun kahit na sabihin pang demokratikong bansa ang Pilipinas.

Sa susunod na eleksyon siguro naman lagpas 18 na ako nun so boboto na ako. Atlest pag ganun diba pwede na akong magreklamo bottomless kung sakaling mali ang pamamalakad ng gobyernong ibinoto ko diba?

so much affected lang naman ako kasi sayang ang boto eh. :]

PAGBABAGO--- Nagsisimula yan sa sarili natin. DISIPLINA ay katumbas din ng Pagbabago. So mas maganda kung ang isisigaw ng tao sa gobyerno ay hindi pagbabago kundi DISIPLINA at ganun din ang tugon ng gobyerno sa tao--DISIPLINAHIN NIYO DIN ANG SARILI NINYO.

Wednesday, June 30, 2010

15th President of the Republic of the Philippines

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ng may isip na ngayon ang araw ng panunumpa ng nahalal na bagong pangulong Benigno Simeon "Noynoy" C. Aquino III sa Quirino Grand Stand. Isa itong history na matatawag dahil matapos ang 9 na taon sa ilalim ng iisang pangulo ay eto na ang bagong pangulong nagnanais mabago ang sambayanang Pilipino. Inabangan ko talaga sa telebisyon ang buong storya ng araw na ito ngunit sa kasamaang palad ay hindi ko naabutan ang pagsunod ni Pangulo Aquino sa dating Pangulong Arroyo. Ok lang yun, dahil ang importante eh nakasaksi ako sa panunumpa ni P-NOY.

509 na libong tao ang nasa grand stand, at milyon milyong mga tao ang nanonood mula sa kanilang mga telebisyon. Tunay ngang ang tao na ito ay minamahal ng sambayanang Pilipino.

Kung tutuusin, ngayon lang ako makakasaksi ng transisyon ng mga pangulo dahil wala pa ako sa wastong pagiisip nung nanumpa si dating pangulong Estrada gayun na din ang unang beses na nanumpa si dating pangulong Arroyo, so eto yung pinakafirst time ko na makasaksi sa historic event na ito.

Saktong alas dose ng tanghali nanumpa si Pangulong Aquino. May kung anung ngiti sa aking mga labi habang magisa akong nanonood ng tv dahil wala akong kasama ngayon dito sa bahay. Nakinig din ako ng talumpati niya matapos ang panunumpa. Eto ang ilan sa mga nakapukaw sa aking isipan. "Hindi pwede ang pwede na." "Kung walang corrupt, walang mahirap." "Kayo ang aking Boss."

Natuwa ako sa talumpati ni P-NOY. Nabuhay ang dugo kong Pilipino sa tuwing finaflash ang libo-libong taong naroon sa grand stand; mga mayayaman, mahihirap, sundalo, boyscouts, volunteers, at marami pang iba.

Habang pinapanood ko ang paglabas ni Aquino sa Grandstand sakay ang Pesidential Car 1 ay medyo napaluha ako. Promise naluha ako pero slight lang. May nakakuha kasi ng loob ko mula sa telebisyon. Isang taong tumatakbo at hinahabol ang sasakyan ng pangulo at noong naabutan niya ay gumawa ito ng LABAN Sign. Nakakatouch kaya yung mga ganung scenario. Kitang kita mo sa mga tao ang lubos na katuwaan dahil sa wakas may bagong pangulo na ang Pilipinas.

Alam ko naman na may magagawa si P-NOY kahit na hindi talaga siya ang boto ko kung sakali noong eleksyon. nananalaytay sa mga ugat niya ang dugo ng demokrasya na minana niya sa kaniyang mga magulang. Pangulong Aquino, umaasa po ako na makakaahon ang Pilipinas mula sa pagkakalugmok sa mga susunod pang mga taon. Nawa ay magampanan ninyo ng mabuti ang inyong katungkulan. Pangulong Aquino, mabuhay ka!