"Lasing ka nanaman. araw araw ka na lang lasing... Anu toh? Bakit amoy babae ka? Nambabae ka nanaman? Walang hiya ka talaga."
"Bakit ba? Pakialam mo ba? Ako naman ang bumubuhay sa pamilya na ito?"
"Ah ganun na ba yun? So dahil hindi ako nagtratrabaho ay wala na akong halaga sa iyo? Eh kung ikaw na lang kaya ang magalaga sa mga anak mo. isusumbat mo pa ngayon sa amin ang mga ginagawa mo, HAYOP KA!"
"Walang hiya ka! Ako pa ngayon ang HAYOP? Eto bagay sayo!"
"Tay, wag! Wag na po kayo mag away ni inay!"
"Manahimik ka dyan! Pare-pareho kayong hayop!"
Madrama ba? Pero totoong nangyayari iyan sa mga pamilya sa panahon ngayon. Dumarami na ang mga pamilyang wasak at ang epekto ay karaniwang nararamdaman ng mga anak. Sino ba namang anak ang matutuwa dahil lalaki siyang wasak ang pamilya?
Galit. Yan ang damdaming nagliliyab sa sinumang anak na nakasaksi sa pagaaway ng kaniyang mga magulang na nauwi sa hiwalayan. Galit na kahit kailan ay hindi na huhupa. Galit na pagmumulan ng poot at pagkasuklam. Itong galit na ito ang dahilan kung bakit ang pananaw ng isang kabataan ay magbabago. Ang isang magandang pananaw ay nabahiran ng tila isang grasa--grasa na kailan man ay hindi na mahuhugasan ng tubig. Habambuhay na mananatili sa puso. Habambuhay na magiging mantiya ng kanilang pagkatao.
Bakit ko ba naisip ang ganitong paksa?
Naalarma lamang ako isang gabi habang narinig ko ang isa naming kapitbahay. Sobrang malapit kami dito sa tao na ito. Itago na lang natin siya sa pangalang Kuya Ton. Si kuya Ton ay isang masayahing tao at may pagkamalambing sa pagsasalita. Dala na rin siguro ng pagiging Ilonggo. Siya ay pala tawa, at sa tuwing kami ay magkakasalubong sa aming iskinita'y palagian akong binabati ng mga ngiti sa mga labi pero kagabi, ay ibang kuya Ton ang nakita ko. Isang kuya Ton na malungkot at problemado. Isang kuya Ton na nakaharap sa inuman ng mga kalalakihan sa amin na malaking problema ang pasan-pasan.
Lingid sa aming kaalaman ang problema sa kanyang pamilya. Akala namin ay masaya ang kanyang pamilya dahil sa tila laging sinasabi ng kanyang mga ngiti pero nakakubli pala sa mga ngiting ito ang isang malaking problema-- ang unti-unting pagkasira ng kaniyang pamilya na nagresulta sa unti-unting pagbabago ng pananaw sa buhay ng kanyang mga anak. Ang tila rebeldeng asal nila ay nangingibabaw. Ayaw na nilang ipagpatuloy ang pag-aaral. Gusto na nilang umalis sa bahay nila kuya Ton at humiwalay dito.
Hindi ko alam ang iba pang detalye ng kwento ni kuya Ton pero ang tangi ko na lang naaalala ay yung payo ng mga kainuman niya. "Pare, kailangan lang niyan na kausapin mo ang mga anak mo. I-one to one mo." Sa tingin ko epektibo din naman ito pero mahirap talaga sa isang anak na may positibong pananaw sa buhay ang tanggapin ang ganitong pangyayari sa kanilang pamilya.
Ako man, ayoko na humantong sa ganoong sitwasyon ang aming pamilya. Mahirap yung may iniisip ka pang problema maliban sa mga problema mo sa pagaaral. Mahirap mabuhay sa mundo kung saan mapupuno ka ng inggit-- inggit sa mga pamilyang kumpleto. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil buo at matibay pa rin ang pamilya ko sa ngayon. Matibay pa ring nagsasama ang aking mga magulang kahit na 25 taon na ang nakalipas ng sila ay ikasal. Masaya ako dahil isa ako sa mga masusuwerteng maayos ang pamilya at hinding hindi ko hahayaan na masira ang pamilya na ito, lalung-lalo na ang magiging pamilya ko sa hinaharap.
6 comments:
khit ako biyaya sa akin n mgkaroon ng mpagmahal n mga magulang...
mahalin natin ang ating mga magulang.. hnd lang yng mga magulang natin pati na rin yung mga magulang ng iba.. wala lang para masaya
Awww
ang hirap talaga magpalaki ng magulang... Pero ganyan yata talaga ang buhay...
honestly, i've been in that situation... mahirap at sobrang sakit. but that doesnt mean na doon na nagtatapos ang lahat, dahil patuloy pa rin ang takbo ng buhay, buo man, o sira ang pamilya. mahirap, pero hindi dapat yun maging sagabal sa pagtupad ng mga pangarap. kung maaayos pa naman, bakit hindi pag usapan ng maayos? hindi sagot ang isang bote ng alak sa problema. sa tingin ko, may mali rin si kuya Ton, at nararapat lang na humingi sya ng tawad sa kaniyang mga anak. dahil sa huli, hindi sya ang nakakaawa kapag naghiwalay sila ng asawa nya, kundi ang kanilang mga anak.
at the same time, hanga rin ako sa prinsipyo mo, and i know someday, magiging mabuti kang ama at asawa sa iyong magiging pamilya...:)
teka... masyadong seryoso ata ang koment ko.:))
ayokong magkaroon ng isang broken family. marami akong ganyang kaibigan at kamag-anak at sila ang nagiging halimbawa ko kung bakit ayokong masira ang sa amin.
kawawa ang mga bata higit sa lahat.
nice entry parekoy!
Lahat ng nangyayari sa mundo ay may dahilan. lahat ng pagsubok sa tao ay kaya nating lagpasan. Tiwala lang sa may likha ang kailangan, lahat ng di pagkakaunawaan ng pamilya, maaayos din yan. Eto dapat ang maging basehan ng bawat pamilya.
Nice topic tol.
Post a Comment