Sunday, November 18, 2012

Desisyon

Naniniwala ako na ang buhay natin ay naka-ugat sa kung ano ang desisyon na ating binibitawan, maging ito man ay mabuti at masama. Minsan may pagsisisi pero wala naman tayong pwedeng gawin kung hindi ang panindigan ang ating mga desisyon at gumawa ng paraan upang maging produktibo ang maging resulta kahit na hindi mabuting desisyon ang ating napili.


Minsan, may mga desisyon tayong nagagawa na nagdudulot sa atin ng kalungkutan. Mga desisyong papipiliin ka sa dalawang bagay na gustong gusto mo--Isang hawak mo na at isang dati mo pa gustong mahawakan. Anong pipiliin mo? 



Napapaisip din ako kung tama nga ba ang mga binibitawan kong mga desisyon. Marahil hindi agad makikita ang resulta sa pagpili pero alam ko at ramdam ko na unti-unti nitong babaguhin ang buhay ko, hindi man ito ngayon. Naniniwala din ako na walang maling desisyon. Mayroon lang MAS maganda at MAS nakabubuti.



Mapapanindigan ko ito. Mapapanindigan natin ito. 

Monday, November 5, 2012

Salamin

Sa likod ng salamin, nakukubli ang malabong paningin--ang katotohanan. Ngunit alin ba ang totoo sa hindi? Ano ang sinasabi ng malabong paningin na siyang tunay at nakukubli?

Tanungin mo ang sarili mo. Totoo ka ba?

**random post

Thursday, May 24, 2012

Para sainyo ate at kuya

Darating at darating ang panahon na kailangan nating maging propesyonal


 Isang araw, narinig ko iyang statement na iyan sa aking kapatid sa YFC community na si kuya Adam. (tingnan ang litrato namin dalawa sa ibaba ). 

From left: Ako, Kuya Adam

Siguro nga, darating talaga ang panahon na kailangan nating iwan ang mga bagay na sobrang mahal natin hindi dahil hindi na natin ito mahal o gusto, kung hindi dahil may naghihintay sa atin sa mas malawak na mundo.

Sa apat na taon kong pagiging bahagi ng YFC, naramdaman ko ang pagmamahal ng mga taong itinuring ko na mga ate at kuya ko sa komunidad na ito. Sila ang mga taong humuhubog, gumagabay, kumakalinga at nagmamahal sa aming mga bago pa lamang sa komunidad na ito. Sila ang nagsisilbing pundasyon ng aming nagsisimula pa lamang na relasyon kay kristo. Sa loob rin ng apat na taon na ito, naramdaman ko rin ang lungkot na unti-unting nawawala ang mga kuya at ate namin sa YFC hindi dahil sa hindi na nila kami mahal. Dumarating lang talaga ang punto na kinakailangan na nila kaming hayaan itayo ang mga sarili namin dahil kailangan din nilang lumago bilang isang tao; lalong higit bilang isang propesyunal. Ito ang nakalulungkot na katotohanan.

Sobrang mahal ko ang mga ate at kuya ko sa YFC. Sobrang blessed ako dahil sila ay naging malaking impact sa aking paglaki.

Ate at kuya, sa inyong pag-alis sa pamilyang ating kinalakhan, gusto ko lang magpasalamat sa lahat lahat ng naibahagi ninyo sa amin. Sa inyo ko natutunan kung paano magmahal ng pagmamahal na hindi binibilang kung gaano na ba karami ang naibigay bagkus ay ang pagbibilang ng ilan pa ang  dapat at makakaya pang ibigay. Sobrang sainyo ko lang po natutunan yakapin ang bawat isa ng buong-buo at walang halong pag-iimbot. Sobrang sainyo ko lang po natutunan ang tunay na sakripisyo, participants muna bago tayo. 

Salamat po! Kung darating na nga ang panahon na kinakailangan niyo na talagang umalis, susubukan po naming maging katulad ninyo. Yayakapin namin ang mga kabataang susunod pang magiging bahagi ng ating lumalagong pamilya.

Wednesday, April 11, 2012

Untitled101

Hndi alam ang dahilan ng aking muling pagdalaw dito sa mundong naging aking sandigan noong mga nakakaraang mga buwan. Marahil dahil dinala lang ako dito ng aking mga kamay para magsulat ng kung ano man.

Gusto ko ang magsulat. Sa pagsusulat nasasalamin ang nakukubling mga saloobin patungkol sa isang usapin. Ito ay buhay. Ito ay lakas. Ngunit sa mga nakakaraang buwan, nawalan na ako ng buhay at lakas para magsulat. Waring natuyong bigla ang aking isipan at nanigas ang aking mga kamay. Hindi na ito makapagsulat. Nawalan na ako ng oras para makipagtalakayan dito sa mundong ito--ang aking sariling mundo na kung saan ako ang bida.

Hindi ko alam ang susunod na pagkakataon. Mas lalong hindi ko alam ang susunod na talakayan. Ang alam ko lamang ay may susunod pa. Ang alam ko lang ay mananatili itong bukas upang salubungin ang panahon na handa na akong muli.

Saturday, December 31, 2011

So long 2011


Ilang oras na lang ay magpapalit na naman ng taon. Isa na namang makabuluhang taon ang magtatapos at may bagong taon na naman na papasok para matututo. Sa totoo lang, ang daming nangyaring pagbabago sa akin ngayong taon na ito. Sobrang daming blessings ang aking natanggap ngayong taon na ito. 

Una ay sa academics. Noong January ay hindi ko talaga alam kung saan ako papasok sa kolehiyo. Nagpapasalamat naman ako dahil ako pa ang namili sa tatlong unibersidad na tumanggap sa akin at tulad nga ng nasabi ko dito sa blog ko, UPLB ang pinili ko. Nakapagtapos rin ako ng high school ngayong taon. Kasabay rin ng pagtatapos na iyon ang maraming karangalan na aking tinanggap. Nagbunga ang ilang taon na aking pinaghirapan! Sulit na sulit! Naging maayos din ang aking unang semestre sa UPLB. Magaganda ang grado na aking nakuha. Sana lang ay magtuloy-tuloy ito. :)

Pangalawa, sa aking pamilya. Nakakatuwa lang dahil sa tinagal tagal naming pag-aaya sa parents namin na sumali sa Couples for Christ eh napapayag na namin sila. Sobrang dami rin ng material blessings na dumating sa pamilya namin. 

Pangatlo, sa buhay YFC ko. Naging active ulit ako sa YFC this year. By God's grace, nakapunta ako sa International Leader's Conference sa Cagayan de Oro. Nakapagserve din ako sa Provincial Youth Conference dito sa aming probinsiya bilang emcee. Nakapunta rin ako sa Regional Youth Conference sa Bataan. All for God ika nga. Basta YFC, kayang magtiis makaipon lang at makapunta sa mga events.

Pang-apat, sobrang dami kong nakilala ngayong taon. Ikaw ba naman na ilagay sa isang lugar na totally wala kang kilala. Ilan na jan ay yung mga dormmates ko especially yung room 207 barkada ko, ang BS Electrical Engineering Bloc W1, ang YFC UPLB Campus Based, ang Students with a Purpose especially the Thursday Group at ang maraming maraming naging classnates sa iba't-ibang subjects. Sila kasi yung nakatulong sa akin para magadjust sa bagong environment na ito.

Panghuli, ang mga trials. I consider them as blessings in disguise. Binigay yun ni God sa akin, at sa family ko para mapagtibay ang akin/aming loob. Hindi naman kasi nagbibigay si God ng trials na hindi natin kayang lampasan. Malaki ang tiwala niya sa atin kaya binibigyan niya tayo ng blessings.

Sa totoo lang, kulang ang mga salita upang idescribe kung gaano naging makulay ang aking taon. Hindi rin makaya ng aking kamay na i-tipa lahat lahat dito. Magkagayun man, lahat ng mga nangyari ngayong taon ay nag-iwan ng aral sa akin. Sigurado yun! Nawa ay naging makabuluhan din ang inyong taon. 

Kaya nga may NEW YEAR kasi may bagong pagkakataon. Kung hindi naging maganda ang taon na ito, subukang bumawi sa susunod. Life's full of second chances.

Let's make it on 2012! Bawi tayo sa kung ano man ang naging failures natin. For this coming year, I'll try to be more mature, tutal, I'll be turning 18 this 2012. Legal na! Malaki na ang responsibilidad. 

Maraming salamat sa pagiging parte ng buhay ko sa simpleng pagbabasa lang sa blog na ito. I-try ko din magblog hangga't kaya :)

Happy New Year! Cheers to 2012!

Sunday, December 25, 2011

Pasko

Pasko (Pangngalan)-- Panahon kung saan ang mga pantalon ay nagsisikipan at ang salitang diet ay taboo.

HAHA

Pasko na naman. Panahon na naman ng sandamakmak na party na katatampukan ng sandamakmak na pagkain. Pilitin mo mang pumikit para hindi iyon makita, maaamoy at maaamoy mo pa rin ito at ito ang magiging dahilan ng iyong pagmulat muli. Bwahahaha. 

Ang pasko rin ay sinasabi nila na para sa mga bata which is I agree. Sobrang nami-miss ko lang yung kabataan ko, I mean here nung sobra pa akong bata ha, (mag 18 pa lang naman ako), madami akong natatanggap na mga regalo. Iba't ibang klase ang mga iyon. Mula sa damit, laruan at siyempre ang pinakagusto ng mga magulang--cash. Alam niyo yan! Ang cash na regalo sa bata ay napupunta sa magulang. Tama? haha. Ngayong pasko na ito, wala na akong masyadong natatanggap na regalo. Mayroon man, simple lang ito at kaunti. Hindi kagaya noon na ang dami talaga.

Salamat naman at malaki na ako. Naiintindihan ko na ngayon kung ano ang tunay na diwa ng kapaskuhan. Alam ko na kung bakit madaming handa tuwing Pasko--ipinagdiiwang kasi natin ang kaarawan ng ating hari na walang iba kung hindi si Hesukristo. Alam ko na rin kung bakit ang mga bata ang lubhang masaya sa Pasko--dahil gaya ng pagbibigay ng tatlong hari ng regalo sa sanggol na ipinanganak sa Bethlehem, binibigyan natin ng mga regalo ang mga bata. 

Simple lang ang naging pasko ko at ng aking pamilya. Ngayon na lang kami nakumpleto ulit sa araw ng Pasko. Hindi kasi kami nakauwi nila mommy sa probinsiya kasi may pasok na agad sila kinabukasan. Hassle naman daw. Kaunti lang ang aming handa. Tamang tama lang iyon upang pagsaluhan namin sa aming hapag. Wala rin kaming mga bagong damit na suot suot. Tama na sa amin ang aming mga lumang damit. Sinalubong namin ang Pasko na magkakasama at nagdarasal. Sobrang isang napakagandang regalo sa akin yung makapaglead ako ng dasal para sa pamilya ko. Sobrang masarap na regalo na rin yung yakap ng mga magulang at kapatid mo. Walang materyal na bagay ang tutumbas pa sa regalong natanggap ko ngayong pasko. 

Tunay na ang panahon ng kapaskuhan ay panahon ng pagsasaya. Marapat lang naman kasi na ipagdiwang natin ang kapanganakan ng Kristo na nagligtas sa atin. Sa kabila ng malalakas na tugtugan, bumabahang inuman at nakabubusog na kainan, huwag natin kalimutan na ang tunay na diwa ng pasko ay ang pagpapasalamat sa regalo ng panginoon sa atin--si Hesus. 

Bukod doon, alalahanin din natin ang mga kapatid natin na mas nangangailangan ng ating mga tulong.

Mula dito sa sulatkamayko, ako at ang aking pamilya ay bumabati sa inyo ng isang mapagpalang Pasko! 

Friday, December 23, 2011

pananaw ng kabataan sa pag ibig

Pananaw ng kabataan sa pag-ibig?

Sa totoo lang, ang pag-ibig para sa mga kabataan ay yung pag-ibig sa opposite sex. Ito ay isang realidad. Siguro nga ay talagang ito ang naiisip ng mga kabataan ngayon dahil sa iba't ibang dahilan.

Una, ang impluwensiya ng media. Hindi lingid sa ating kaalaman na patok na patok ngayon ang mga teleserye na nagtatampok ng pag-iibigan. Wala naman siguro kasing dating ang teleserye na walang love story hindi ba? Sa tingin ko yun ang nag-iiwan ng impluwensiya sa utak ng mga kabataan--na sa buhay, ang pag-ibig ay yung kayong dalawa ay nagmamahalan.

Pangalawa, dahil sa curiosity ng kabataan, akala nila(namin) na kailangan sa ganitong edad nila (namin) ay mayroon na silang(kaming) mga partners which is in reality, hindi naman talaga.

Pangatlo, masyadong general ang word na pag-ibig or love at kaming mga kabataan ay mas naiinterpret ito as the intimacy between the opposite sex apart from others like love of the country, love of your friends, neighbors etc.

Sana ay nasagot ko ang tanong ng maayos :)
Maligayang Pasko!

Tanong ka lang..