Tuesday, October 12, 2010

Boses ng KABATAAN


Muli akong nagbabalik, dito sa lugar na ito at nagsusulat nanaman. Sorry talaga, hindi ko maisingit ngayona ng pagbloblog pero gusto ko lang i-post itong post na ito. Isa din ito sa mga pinagka-abalahan ko ngayong mga araw.

Sneak peak:

"Hindi Kami papayag na maging tambakan ng Basura ang Lungsod Namin!"

Hindi kayo nagkakamali. Pang welga nga yang hawak ko jan sa picture na yan dahil kanina lang eh nakiisa ako, kasama ang ilang mga kamag-aral, guro at mga madre sa school namin, pati ibang mag-aaral sa lungsod namin at mga organisasyon sa lungsod namin para tutulan ULIT ang nasabing pagtatayo ng isang Sanitary landfill dito sa aming lugar. Ay! Hindi pala pagtatayo dahil naitayo na. Nabigo na yung unang beses naming tumutol last year at ngayong taon naman muli kaming tumututol na tanggapin ang basura ng karatig-bayan at pati na ang sa kalakhang maynila. Sa may mismong landfill na kami nagwelga--isang prayer rally.

Sabi nga ng tatay ko, wala daw kaming magagawa diyan dahil isang malaking tao yung may-ari nung landfill na yun. Iba na talaga ang pera. Madaming napapakilos.

Ang sa amin lang naman, paano naman ang susunod na henerasyon kung ang sisilangan nilang lugar ay ISANG BASURAHAN? Ang ganda ng lungsod namin, tapos magiging tambakan lang ng DUMI ng ibang lugar? WTH.

Oo, malayo naman ang bahay namin sa dumpsite na yon pero hindi ang pamilya ko ang concern ko. Paano naman yung mga nakatira sa malapit sa dumpsite? Residential area yun. paano naman yung mga nagtratrabaho doon? hindi maiiwasang mangyari ulit yung sakuna sa payatas. Saka isa pa, paano ang tubig na bumubuhay sa buong lungsod kung malapit iyon sa tambakan ng basura? Anu iinumin ng tao? kulay itim?

Ewan ko. Sana kung may konsensiya lamang ang tao na ito na marami ang maapektuhan sa kaniyang ginagawa, habang maaga pa, TUTULAN na.

Hanggang dito sa blog nagproprotesta ako XD



Tuesday, October 5, 2010

World Teachers Day

Update na ulit ako pero madalang na lang siguro muna for the reason na--- busy ako sa mga school works as usual pero iba ngayon dahil magpaparticipate ako sa interschool competition sa city namin sa isang talumpati. Anyways, di naman ito ang point ng post na ito pero pwede rin naman iconnect.




Sa bawat pagsali ng mga estudyante sa mga contest na iyan, sino ba ang gumagabay? Mga guro diba?

Sa bawat kaalaman ng mga estudyante, ang may turo niyon ay walang iba kundi mga guro diba?

Sa bawat nurse, doctor, abogado, enhinyero, artista, kapwa guro at kung anu mang trabaho pa yan-- guro din ang naghulma sa bawat isa hindi ba?


Sabi nga ng ate ko na guro "Teaching is a truly humbling profession."

Kung tutuusin, hindi naman malaki ang sweldo ng mga guro. Minimun lamang ang seldo ng ordinaryong guro, na kung tutuusin ay kikitain nila ang doble pa noon kung ibang propesyon ang kanilang pinili, pero hindi. Hindi sila nagdalawang isip na maging instrumento ng pagkamulat sa kamangmangan ng mga estudyante--Instrumento ng pagbabagoo.

Kapag naging guro ka, pagod ka palagi. Nakatapos ka na nga sa pag-aaral mo bilang estudyante, heto ka na naman, nag-aaral para sa mga lessons na ituturo mo sa mga estudyante mo.

Naiintindihan ko ang ganoong pakiramdam, dahil ako mismo ay isang batang guro, isang katekista. Naiintindihan ko ang isang bagay na nagbibigay ng lakas sa isang guro upang magpatuloy sa ginagawang kabayanihan-- iyon ay makita ang mga estudyante niyang natututo at natutuwa.

Sa simpleng pasasalamat at pagtangkilik sa isang guro at sa mga ginagawa niya ay katumbas na ng lahat ng mga gamot sa lahat ng karamdaman ng isang guro. Kaya bago matapos ang akdang ito, lubos akong nagpapasalamat sa mga gurong naririyan sa buong mundo. Maraming salamat dahil hindi lamang intilehidad ang inyong hinulma sa amin, pati ang pagkatao namin ay binigyan ninyo ng direksyon at sinisugurong sa pagtatapos ng buong buhay na grading period namin ay makakakuha kami ng mataas na marka.

Mabuhay kayong lahat--mga bayani ng ating lipunan. :]

PS. Happy World teachers day po sa ate ko, at kay Miss Fatima Rivas. :] gayun na din sa lahat ngg naging guro ko sa loob ng aking 12 taon ng pag-aaral :]

Sunday, October 3, 2010

hiatus

Bakit ba kailangan magpost pa ng hiatus diba?

Ang point lamang eh para ipaalam sa inyo na buhay pa naman ako. Wala lang talaga akong oras ngayon sa pagsusulat.

Anyways, di naman ako mawawala ng matagal. babalik ako. :]

Sana nanjan pa rin kayo pag balik ko.

Ingat tayong lahat.

Reason pala: school works, community commitment.. pwede na rin love life. :)))

Sunday, September 26, 2010

Naalala niyo na?



Isang taon na ang nakalipas.

Ang bilis ng oras no?

Isang taon na rin nga talaga ang lumipas.


Tignan niyo:

Oh natandaan mo na ba?

OO, yan ang ang pananalasa ng bagyong Ondoy noong nakaraang taon, September 25, 2009 sa kamaynilaan at ilang mga karatig probinsiya.

Maswerte na siguro kaming maituturing dahil hindi namin naranasan ang gaya ng sa mga litrato sa taas. Muntik-muntikanan lang naman pero dahil mabait pa rin si God eh ayon, eto ako ngayon, isang taon ang nakalipas, tumitipa sa keyboard at nagku-kuwento sa inyo.

Pero alam niyo ba na kakaibang atake ang ginawa sa akin niyang Ondoy na iyan? Kung babalikan ang kwento ko noong isang taon, kasagsagan ng Ondoy nun at watak-watak ang pamilya namin. Wala ang tatay ko, sinundo ang nanay ko sa tawid ng tulay na binaha sa amin na kita mong ang wild ng ilog. Kala ko watak na pamilya ko noon, good thing magkakasama pa rin kami ngayon.

Naalala ko din sa bahay ng classmate ko ako inabutan ng Ondoy noon at medyo pinasok ng tubig ulan ang bahay nila. Mula kusina, CR, kainan at medyo umabot sa sala. So bago ako umuwi eh tinulungan ko sila pahupain ang daloy ng tubig sa loob ng bahay nila dahil wala din silang kasamang magkapatid noong.

Naalala ko din yung pauwi na ako para i-check ang bahay namin kung ok pa, hinabol pa ako ng baka sa shortcutan na talahibang dinaanan ko. Susme, adrenaline rush.

Naalala ko pa, naglalakd ako sa highway ng subdivision namin. May payong pero basam-basa pa rin ako, sumasabay sa agos ng mga ususerong sinasabi na lubog na yung tulay malapit sa amin.

Naalala ko pa, ikaw naaalala mo pa ba?

Inaalala ko din lahat ng mga namatay sa masaklap na bagyong iyon.

Sana di na ulit mangyari ang tulad noon sa future.

Sa Pag-ibig....

Hayaan ninyong ako ay may ipabasa sa inyong istorya. Ang totoo, nabasa ko lang naman ita sa isang libra ng Filipino sa pagkakanap ng mga kwento para sa project ko. Nagustuhan ko lang yung kwento kasi wala lang. Na touch lang ako.

Credits to Tanglaw sa WIKA at PANITIKAN III ni Angelita Binsol ng Diwa textbooks para sa libra at kay Pat V. Villafuerte na siyang may-akda ng kwentong ito.

Paunawa, hindi po ako ang sumulat ng kwentong ito. Nais kong pasalamatan ang source ko na nakasulat sa taas. :]

Sa Loob ng Bus, Isang Hapon

Pat V. Villafuerte

Hinataw ko ang dalawang saklya na nakasandal sa punong mangga. Itinindig ko ang mga iyon at aking sinalubong si Luz.

“Kanina ka pa?” ang tanong ni Luz.

“Hindi pa gaanong natatagalan,” tugon ko. “Tayo na.”

“Hindi ka ba nahihirapan sa ginagawa mo? Araw-araw ay sinusundo mo ako. Ang laki na ng molestya ko sa iyo, a.”

“Ikaw nga ang inaalala ko, e. Baka naaasar ka na sa kakasundo ko sa’yo.”

“Naku, hindi,” ang tanggi ni Luz. “Mabuti nga’t nasasabayan mo ako sa pag-uwi. Mahirap yatang mag-abang ng dyip. Saka mahilo man ako sa sasakyan ay may sasaklolo sa akin.”

Tiningnan ako ni Luz. Lumungkot ang kanyang mga mata.

“Mabuti ka pa, hindi ka nakakalimot. Di tulad ng ibang taong kilala ko,” ang sabi ni Luz.

Alam ko ang pinatutungkulan ng huling pangungusap ni Luz. Si William, ang mahigpit kong karibal sa panliligaw sa kanya. Ni minsan hindi siya nasundo nito sa paaralang kanyang pinagtuturuan.

Tuwing hapon ay sinusundo ko si Luz. Tutal ay pareho kaming taga-Gagalangin. Iisa rin ang pook na aming pinagtatrabahuhan. Isa siyang guro sa paaralang Arsenio Lacson at ako naman ay isang dibuhista sa isang printing press sa San Rafael Village.

“Siyanga pala, wala rin lamang pasok bukas ay pumunta ka naman sa bahay. May ipapadrowing ako,” Pakiusap ni Luz.

“Ang ate mo?” ang bati ko.

“Nasa loob. Kanina ka pa hinihintay. Naroon din si William.”

Parang may kung anong bagay na tumarak sa puso ko. Bumukas ang pinto. Sinalubong ako ni Luz na nakangiti.

“Tuloy ka, Ric. Teka’t kukunin ko sa drawer ang aklat na pagkokopyahan mo.”

Nang lubusang mabuksan ang pinto ay tumambad sa aking paningin ang inaasahang kong magiging panauhin ni Luz, si William. Naka-t-shirt ito ng murang asul at nakamaong.

“O, bakit hindi ka maupo? Itong si Ric, oo. Heto ang tatlong drawing na kokopyahin mo,” sabay abot sa isang makapal na aklat.

Tumingin si Luz kay William. “William, si Ric,” ang sigaw nito. “Iyan ang Amorsolo ko, baka akala mo?”

“Kamusta ka, William?” bati ko.

Sa halip na ako’y sagutin ay nagsindi ito ng sigarilyo. Di na kaila kay Luz ang pamumutla ko. Napayuko ako at nagsimulang gumuhit.

Lumabas si Luz at pagbalik niya’y dala-dala ang inihandang spaghetti.

“Mamaya mo na simulan ‘yan, Ric. Halika na’t sumabay ka na sa amin ni William.”

Kinuha ko ang saklay. Tumindig ako at lumapit sa kinaroroonan ng dalawa. Kitang-kita ko nang kumbatan ni William si Luz na wari’y inuutusan ang dalaga na abutin sa kanya ang inumin. Nang akmang dudulutan ako ni Luz ng spaghetti ay di ako nagdalawang-isip. Kinuha ko agad ang pinggan.

“Ako na lang,” wika ko.

“Sige, mapilit ka, e’” Tugon ni Luz.

“Kamusta ang trabaho mo sa bangko?” ang bumasag ng katahimikan.

“Mabuti. Kaya lang ay baka hindi ako makatagal,” ang sagot ni William na may himig-pagmamayabang.

“Bakit naman? Ang taas ng sahod mo roon, a?” ang tanong ko.

“Palautos ang executive vice-president ng bangkong pinaglilingkuran ko. Panay ang tawag, panay ang utos. Ayaw ko sa lahat iyong minamanduhan ako, e. Kung Mama ko, hindi ako mapakiusapan, siya pa?”

Napangiti si Luz kay William. Napakagat-labi ito. Ibinaling niya ang tingin sa akin. Humahanap ng kasagutan ang mga matang iyon.

“Maalaala ko. May tatlo akong passes sa Fort Santiago. Maganda ang labas sa PETA ngayon. Manood tayong tatlo,” ang anyaya ni William.

“Naku, kayo na lang. Baka makagambala ako,” tanggi ko.

“At sa palagay mo naman ay papayagan akong umalis ni Inay kung hindi ka kasama?” ang tanong sa akin ni Luz. “Sumama ka na. Teka’t magbibihis ako. Magpapaalam na tuloy ako kay Inang. Nasa kabilang kwarto siya.”

Nang makaalis si Luz ay nanatili ang katahimikan sa sala. Kapwa kami nagpapakiramdaman ni William. Waring naiilang siya sa pagkakapunta ko kina Luz. Naisip ko tuloy na napilitan lamang siya na ako’y anyayahan dahil di papayag ang nanay ni Luz kung di ako kasama. Ako lamang kasi ang pinagkakatiwalaan ng kanyang ina.

Ilang sandali ang lumipas ay lumabas na si Luz. Lalong lumutang ang kanyang kagandahan sa dilaw na bestidang suot niya.

“Tayo na,” anyaya ni Luz.

Sa daan ay halatang-halata ko na sadyang binibilisan ni William ang paglalakad. Ako nama’y tila isang asong nakabuntot. Nakadama ako ng pagkahabag sa aking sarili. Ngunit paano ko matatanggihan si Luz? Paano?

Maging sa loob ng bus ay maagap na nakahanap ng upuan si William para sa dalawang tao. Magkatabi sila ni Luz. Ako nama’y naiwanang nakaupo sa bandang likuran.

Sa loob ng bus ay sarisaring mga alalahanin ang umuukilkil sa aking diwa. Naisip ko maging sa anumang labanan ay namumuro si William sa pag-ibig ni Luz. Patok na patok, wika nga. Magandang lalaki si William, mataas ang pinag-aralan, may matatag na hanapbuhay at kilala sa lipunan ang kanyang mga magulang. Samantalang ako, isang karaniwang dibuhista lamang sa mumurahing printing press. Hindi nakatapos ng pag-aaral, anak-dukha, at higit sa lahat ay pilay.

Di naglipat-saglit, ang pampasaherong bus ay napuno. Isang babaeng buntis ang sumakay, akay-akay ang dalawang gusgusing bata. Nagpipilit itong makipagsiksikan upang makahawak sa barasan ng bus.

Kitang-kita ko nang kumbatan ni Luz si William. “Tumayo ka naman William. Baka mapanganak pa yan ng di oras,” ang pakiusap ni Luz.

“Pwede ba Luz? Ang hirap naman sa babaeng iyan, e. Alam nang puno ang bus ay nagpipilit pa ring sumakay. At nagsama pa ng mga bata. Ako ang walang kagana-gana sa mga bata.”

Muli kong itinindig ang saklay. Nilapitan ko ang buntis na babae.

“Dito na kayo umupo, Misis,” ang alok ko.

Nagtama ang mga mata namin ni Luz. Nadama ko ang kanyang matinding pagkahabag sa akin. Maya maya’y nilingon niya ang konduktor.

“Mama, sa bus stop po. Bababa na kami,” ang kanyang sabi.

“Aba, nasa Zurbaran pa lang tayo, Luz. Malayo pa ang Fort Santiago. Nananaginip ka ba?” ang tanong ni William.

Huminto ang bus.

Nilingunan ako ni Luz. “Dito na lamang tayo, Ric.”

“Sandali lamang, Luz. Sasama ako,” ang pagpipilit ni William.

“Talagang manhid ka, William. Kanina, sa loob ng bus ay nakita mo ang paghihirap ng isang buntis. Ngunit ano ang iyong ginawa? Sa halip na paupuin mo ay nagbulag-bulagan ka. Hindi ka ba nahihiya kay Ric? Higit ang iyong lakas kaysa kanya ngunit siya ang nakaunawa sa pangyayaring iyon.”

Napayuko ako. Damang-dama ko ang naghaharing pagkahabag sa akin ni Luz.

“Paano kung tayong dalawa ang maging magkapalaran at mabuntis ako, kaiinisan mo rin? At paano kung dumami ang ating magiging anak, mawawalan ka rin ng gana?

“Dinaramdam ko rin, William. Ngunit ang eksenang naganap kanina sa loob ng bus ay higit na makabuluhan kaysa anumang mapapanood natin sa Fort Santiago. Mabuti’t hangga’t maaga ay nakilala kita.”

Tumalikod si William nang hindi na nagawa pang magpaalam. Inayos ko ang aking dalawang saklya. Inalalayan ako ni Luz sa paglalakad. Nang sumandaling iyon naging magaan para sa akin ang paglalakad. At marahil sa susunod na mga araw ng pagsundo ko sa kanya ay makadarama ako ng mga kakaibang kaginhawaan.


:] End muna

Saturday, September 25, 2010

Ayoko na mag-aral.

Gigising ng umaga, kakaen, maliligo, magbibihis, maglalakad papuntang sakayan ng tricycle, papasok, buong araw mag-aaral, laro saglit, uuwi, kakaen, magppc, matutulog at sa uulitin nanaman.

Nakakapagod nuh? Pasok ka ng pasok at ganun din ang routine na ginagawa mo, wala namang sweldo maliban sa baon na pilitan pa ang paghinge ng increase. Exam n
g exam. Buwan buwan na lang. Basa ng basa, gawa ng gawa ng projects, recite ng recite.

Ganyan ang outlook ko dati sa pag-aaral.

Hindi ba mas masarap yung nakahiga ka lang sa bahay ninyo at nanonood ng tv habang hawak ang cellphone at nagtetext sabay kain ng chichiria?

Hindi ba mas masarap tumambay na lang sa kanto, nonstop kwentuhan sa tropa, laro dito laro doon?

Hindi ba mas masarap mag palamig sa mall, sabay tambay sa timezone or tom's world o kaya ay mag window shopping?

Oo. Masarap nga ang ganitong buhay. Pero sa una lang ito masarap. Ika nga eh pansamantalang kaligayahan.

Nakakakonsensiya sa tuwing may naririnig akong out of school children na gustong-gusto mag-aral tapos ako, nag-aaral na nga eh nagrereklamo pa.

Sinampal ako ng aking kahihiyan nung makita ko itong pics na ito ito: (hindi ito yung actual na nakita ko dati pero somehow ganito din yung itsura)


Naisip ko, mas masarap pala ang nag-aaral ngayon, kasi bukas maayos ang buhay ko.

Mas masarap pala ang nag-aaral ngayon, kasi may mapaghuhugutan ako ng lakas sa mga susunod na araw.

Maswerte tayo, nag-aaral tayo. Eh sila? Pinipilit lang nila na makapag-aral.

Sabi nga ni Warren G. Bennis

Excellence is a better teacher than mediocrity. The lessons of the ordinary are everywhere. Truly profound and original insights are to be found only in studying the exemplary.

So ngayon, bigyan nyo ako ng chance sabihin na, GUSTONG GUSTO ko mag-aral :]

Wednesday, September 22, 2010

Sa bawat

Sa bawat lukso ng isang tao, babagsak at babagsak pa rin siya sa lupa.

Sa bawat pagkain mo, ilalabas at ilalabas mo rin iyan sa kahit anung paraan.

Sa bawat pagbili mo ng bago, unti-unti ay malalaos din iyan at mapipilitan ka na palitan iyon.

Sa bawat talbog ng bola, patuloy itong bumabagsak.

Sa bawat patak ng ulan, nababasa nito ang kalsada.

Sa bawat pagkupit sa pitaka ng nanay ay katumbas ang kurot sa ating konsensiya.

Sa bawat mahabang lakarin ay may kaakibat na pagod.

Sa bawat pihit sa manibela ay may kaakibat na dereksyon.

Sa bawat tinta ng bolpen na iyong inaaksaya, mas maraming math problems pa ang hindi mo masasagutan.

Sa bawat pagkagat ng lamok, kasunod lagi ang pantal at kati.

Sa bawat hithit ng sigarilyo ay paglalagay ng kalahati ng buhay sa hukay.

Sa bawat eksaminasyon na sinasagutan at ipinapasa, unti-unting lumilinaw ang bukas.

Sa bawat pagtipa ko sa keyboard na ito, mailalabas ko lahat ng gusto kong sabihin.

Sa bawat aksyon na ating ginawa, ginagawa at gagawin, palaging may bunga o epekto na kasunod. Maging positibo man o negatibo ito. Lahat ng bagay na mangyayari bukas ay nakasalalay ngayong mga oras na ito. Kung nanaisin mo ng magandang bukas, gumawa ka ng maganda. Kung ayaw mo di huwag.

Dahil

Sa bawat pangyayari, may tamang reaksyon. Nasasaiyo kung paano ka magrereact.

Sa bawat problema, may solusyon, maging mapamaraan at ibukas lamang ang mata.

Ika nga eh nasa huli ang pagsisisi. Nagawa mo na ang isang bagay. Matuto kang panindigan ito, maging positibo ito o lalong higit kung negatibo.

Dahil

sa bawat pagkakadapa ay may pagkakataong bumangon

sa bawat pagbangon ay may pagkakataong lumakad

sa bawat paglakad ay may pagkakataong marating ang nais marating.

Tandaan, sa bawat Gabi, kasunod nito ang bagong umaga.