"Anong gusto mo maging pag-laki mo?"
Ito ang karaniwang tanong sa atin noong mga bata pa tayo. Karamihan sa mga sagot natin (o ng mga bata) ay ang maging doktor at nurse para daw makatulong sa may mga sakit. Hindi din naman nahuhuli ang mga gusto maging pulis at sundalo para mapangalagaan ang kapayapaan. May mangilan-ngilan din na gustong maging guro para makatulong sa kapwa. Pero wala sa mga nabanggit ang sagot ko sa tanong na ito noong tinanong ako ng aking lola.
"Gusto ko po maging Hardinero"
Hindi ko alam kung bakit sila nagtawanan. Gusto ko maging hardinero noon kasi masaya ako kapag nagtatanim kami ng tatay ko ng mga halaman. Gustong gusto ko magdilig at magtanim ng mga gulay noon. Walang arte arte sa sarili kung madumihan man ako. Minsan pa nga ay kinakausap namin ng tatay ko ang mga halaman para tumubo sila ng maigi. Gusto ko maging hardinero kasi gusto ko ang ginagawa ko. Mahal ko ang ginagawa ko.
Pero ngayon, isa akong Inhinyero at hindi hardinero. Pag-iinhinyera ang kinuha kong kurso dahil malaki daw ang sweldo ng mga inhinyero (na hindi ko pa masabi dahil entry level pa lang ako sa trabaho). Hindi lang naman yun lang ang dahilan kung bakit ko kinuha ang kurso ko. Okey naman ako sa math at physics na pundasyon ng kurso namin. Nakita ko lang ang pangangailangan ng pamilya namin na maaaring matugunan ng malaking sweldo na naghihintay kapag ako ay naging matagumpay na inhinyero.
Napag-iisip ko lang, ganito ba talaga sa third world countries? May mga bagay tayong gustong gawin pero mas nangingibabaw ang mga bagay na dapat nating gawin. Pinapalaki tayo sa idelohiyang kailangan natin mag-aral, kumuha ng kursong mainam, at tumulong sa pamilya.
Wala namang mali doon. Nasanay na kasi tayo sa ganoong sistema. Ngayon ay nandito na ako. Sigurado akong u-ulit lang ang ganitong sistema hanggang sa susunod pa nating mga apo. Mahirap ang buhay. Kadalasan ay nakukuntento na lang tayo sa ganitong cycle. Pero sa tingin ko, kaya pa naman itong baguhin basta malaman lang natin ang ugat nito.
Para sa kaso ko, tingin ko ang kakulangan din talaga sa pinansyal na aspeto ang ugat kung bakit ako kinaen ng sistemang ito. Hindi ko naman masisi ang mga magulang ko. Utang na loob ko pa din ang nairaos nila ang pag-aaral naming magkapatid sa tulong na rin ng mga mababait na taong nagbigay ng suporta sa amin. Isang bagay lang ang nakikita kong kulang sa amin. Kulang kami sa kaalaman sa tamang pag-iipon. Napupunta lang lahat sa gastusin sa pang-araw-araw ang lahat ng perang kinikita ng pamilya namin. Walang maayos na emergency fund na masasabi ang aming pamilya. Siguro ito rin ang karaniwang karanasan ng mga Pilipino. Sabi nga ng matatanda "Ubos-ubos biyaya. Maya-maya ay nakatunganga". Nasanay tayo sa utang-bayad na sistema, Hindi pa man natin nakukuha ang sweldo natin ay naipangutang na natin ito. Pero gaya nga ng sinabi ko, marahil ay kulang tayo sa kaalaman sa tamang pag-iipon.
Sa ngayon, nagsisimula na akong mag-aral tungkol sa kung paano ko ba matatamasa ang sinasabing "financial freedom". Nagsisimula kong aralin ang tamang pag-iipon sa pamamagitan ng pag-babasa sa mga akda ng mga eksperto. Marami akong pangarap at ayokong manatili sa ganitong sistema. Lalo't higit, ayokong manahin ng magiging anak ko ang ganitong kaugalian. Tuturuan at imumulat ko siya sa tamang pag-iipon para sa ganun, matupad niya ang sasabihin niyang "pangarap niyang maging". Naniniwala naman ako na kaya nating lahat ito. Sabi nga, ang pag-babago ay nagsisimula sa ating sarili. Simulan na natin ang bagong sistema!