Monday, September 9, 2013 | By: Renz

Duda


Kasabay ng bawat hampas ng alon
Ang mapapait na ala-ala'y akin nang ibabaon.
Kasabay ng dagat na ngayon ay mahinahon
Ang pagdating ng aking pinakahihintay na panahon.

Ngunit kasabay din pala nito ay ilang kalituhan
Pagdududa'y bumalot sa ilang kaisipan
Akala ko'y tamo na nila ang aking katauhan
Pero bakit ganoon na lang ang kanilang natuturan?

Siguro'y hindi na lamang iisipin pa
Marahil ay darating din ang araw na maiintindihan nila
Katulad ng alon na sa dalampasiga'y humahampas
Sa dagat ng pagdududa, ako rin ay makaaalpas.

--

Thursday, March 28, 2013 | By: Renz

Nang isang gabing ako'y naging isang makata.

Hinahanap ko lang marahil ang isang pagkalinga na noon ko pa ninanais.
Hindi ko alam kung nauukol na ba ang panahon.
Ang alam ko lang ay masaya ako.

Hindi maipinta ang aking mga ngiti.
Ito ay dahil sa sayang dulot ng matamis mong pagtugon.
Hindi ko alam kung saan tayo patungo.
Ni hindi ko rin nga alam kung ano nga ba ang mayroon
Ang alam ko lang ay masaya ako.

Masaya ako ngayon.
Wala itong simulain ni patutunguhan.
Pagdaloy nito'y basta na lamang sinasabayan.
Uhaw, pait, tamis, ligaya.
Ngiti, hinagpis, kurot ng damdamin.

Wala aking pakialam.
Masaya ako.
Masaya sa'yo.
Friday, January 4, 2013 | By: Renz

Tumatakbo pero walang paa

May paa nga siguro ang oras. Ang bilis kasi nito tumakbo. Parang kailan lang hawak mo ito, ngayon ikaw na ang naghahabol dito. Totoo ngang hindi natin malalaman kung gaano na karaming oras ang nasasayang natin hanggang sa dumating ang puntong hindi na natin alam kung paano pagkakasyahin ang iilang oras na natitira. That's life.

Ang drama lang. Sa totoo kasi hindi ko lang maintindihan yung inaaral ko ngayon na medyo crammed na dahil January na ako nag start eh December pa lang break na. That's life. Pinili ko ito, I need to face the consequences.

Ayoko ng magbanggit ng kung anu-anong sana. Kaya ko to. (At naisingit ko pa talagang magblog)

Bottomline: Please lang, wag sayangin ang oras. Kung ang pasensiya nga ni Angelica nauubos, ang oras pa kaya?
Okay korny. Sige na. Hahabulin ko pa ang oras.
Wednesday, January 2, 2013 | By: Renz

Wag kang mag-alala

"Kailangang manalig sa bawat sigaw at bulong ng 'yong puso..."

Sa taong nagdaan, masasabi kong madalas akong magdalawang isip sa mga desisyong aking binibitawan at sa mga bagay-bagay na aking ginagawa. Takot na din siguro ang nangunguna sa aking puso at isip. Binabalot nito ang determinasyon na siyang dapat na namayani para matupad ang mga bagay na gusto kong matupad. Nakakatakot. Siguro nga ay hindi ako yung tipo ng taong risk taker. Masyado akong confined sa mga bagay na alam ko na ang magiging kalalabasan. Takot akong magkamali. Lalong takot akong mahusgahan. Kung kaya nga madalas ay pinipili ko na lang na hindi gawin ang mga dapat at gusto kong gawin.

"Sumayaw sa sarili mong awit. Umindak at 'wag pasindak..."

Ako? Paano? Iyan ang mga tanong na kalimitan kong naitatanong sa aking sarili. Marahil ay nabubuhay nga ako sa mga sinasabi ng ibang tao tungkol sa mga ginagawa ko. Nabubuhay rin ako na tinitingala ang mga taong gusto ko maging katulad. Pero sino nga ba ako?

"Hindi ka katulad ng iba, 'wag kang mag-alala."

Sa nakalipas na taon, namuhay ako sa takot at kaba sa mga sasabihin ng mga ibang tao tungkol sa aking mga ginagawa. Takot akong sumubok ng bago. Iyon na rin siguro ang naging dahilan kung bakit hindi ko naipapakita ng husto ang tunay kong kakayahan.

May sarili akong pagkakakilanlan, talento at talino. May sarili akong prinsipiyo at paniniwala. Kung may pagbabago man akong gusto makamtam, sa akin pa rin iyon magsisimula.

Kasabay ng pagpapalit ng taon, sisikapin kong mamuhay sa aking sariling musika. Isang musika na binubuo ng himig na sa akin mismo magmumula. Susubukan kong iwanan ang takot at kaba.

Pipilitin kong Wag mag-alala. Kasama naman kita, hindi ba?

(Wag kang mag-alala ni Ebe Dancel)
Sunday, November 18, 2012 | By: Renz

Desisyon

Naniniwala ako na ang buhay natin ay naka-ugat sa kung ano ang desisyon na ating binibitawan, maging ito man ay mabuti at masama. Minsan may pagsisisi pero wala naman tayong pwedeng gawin kung hindi ang panindigan ang ating mga desisyon at gumawa ng paraan upang maging produktibo ang maging resulta kahit na hindi mabuting desisyon ang ating napili.


Minsan, may mga desisyon tayong nagagawa na nagdudulot sa atin ng kalungkutan. Mga desisyong papipiliin ka sa dalawang bagay na gustong gusto mo--Isang hawak mo na at isang dati mo pa gustong mahawakan. Anong pipiliin mo? 



Napapaisip din ako kung tama nga ba ang mga binibitawan kong mga desisyon. Marahil hindi agad makikita ang resulta sa pagpili pero alam ko at ramdam ko na unti-unti nitong babaguhin ang buhay ko, hindi man ito ngayon. Naniniwala din ako na walang maling desisyon. Mayroon lang MAS maganda at MAS nakabubuti.



Mapapanindigan ko ito. Mapapanindigan natin ito. 
Monday, November 5, 2012 | By: Renz

Salamin

Sa likod ng salamin, nakukubli ang malabong paningin--ang katotohanan. Ngunit alin ba ang totoo sa hindi? Ano ang sinasabi ng malabong paningin na siyang tunay at nakukubli?

Tanungin mo ang sarili mo. Totoo ka ba?

**random post
Thursday, May 24, 2012 | By: Renz

Para sainyo ate at kuya

Darating at darating ang panahon na kailangan nating maging propesyonal


 Isang araw, narinig ko iyang statement na iyan sa aking kapatid sa YFC community na si kuya Adam. (tingnan ang litrato namin dalawa sa ibaba ). 

From left: Ako, Kuya Adam

Siguro nga, darating talaga ang panahon na kailangan nating iwan ang mga bagay na sobrang mahal natin hindi dahil hindi na natin ito mahal o gusto, kung hindi dahil may naghihintay sa atin sa mas malawak na mundo.

Sa apat na taon kong pagiging bahagi ng YFC, naramdaman ko ang pagmamahal ng mga taong itinuring ko na mga ate at kuya ko sa komunidad na ito. Sila ang mga taong humuhubog, gumagabay, kumakalinga at nagmamahal sa aming mga bago pa lamang sa komunidad na ito. Sila ang nagsisilbing pundasyon ng aming nagsisimula pa lamang na relasyon kay kristo. Sa loob rin ng apat na taon na ito, naramdaman ko rin ang lungkot na unti-unting nawawala ang mga kuya at ate namin sa YFC hindi dahil sa hindi na nila kami mahal. Dumarating lang talaga ang punto na kinakailangan na nila kaming hayaan itayo ang mga sarili namin dahil kailangan din nilang lumago bilang isang tao; lalong higit bilang isang propesyunal. Ito ang nakalulungkot na katotohanan.

Sobrang mahal ko ang mga ate at kuya ko sa YFC. Sobrang blessed ako dahil sila ay naging malaking impact sa aking paglaki.

Ate at kuya, sa inyong pag-alis sa pamilyang ating kinalakhan, gusto ko lang magpasalamat sa lahat lahat ng naibahagi ninyo sa amin. Sa inyo ko natutunan kung paano magmahal ng pagmamahal na hindi binibilang kung gaano na ba karami ang naibigay bagkus ay ang pagbibilang ng ilan pa ang  dapat at makakaya pang ibigay. Sobrang sainyo ko lang po natutunan yakapin ang bawat isa ng buong-buo at walang halong pag-iimbot. Sobrang sainyo ko lang po natutunan ang tunay na sakripisyo, participants muna bago tayo. 

Salamat po! Kung darating na nga ang panahon na kinakailangan niyo na talagang umalis, susubukan po naming maging katulad ninyo. Yayakapin namin ang mga kabataang susunod pang magiging bahagi ng ating lumalagong pamilya.