Sunday, November 18, 2012

Desisyon

Naniniwala ako na ang buhay natin ay naka-ugat sa kung ano ang desisyon na ating binibitawan, maging ito man ay mabuti at masama. Minsan may pagsisisi pero wala naman tayong pwedeng gawin kung hindi ang panindigan ang ating mga desisyon at gumawa ng paraan upang maging produktibo ang maging resulta kahit na hindi mabuting desisyon ang ating napili.


Minsan, may mga desisyon tayong nagagawa na nagdudulot sa atin ng kalungkutan. Mga desisyong papipiliin ka sa dalawang bagay na gustong gusto mo--Isang hawak mo na at isang dati mo pa gustong mahawakan. Anong pipiliin mo? 



Napapaisip din ako kung tama nga ba ang mga binibitawan kong mga desisyon. Marahil hindi agad makikita ang resulta sa pagpili pero alam ko at ramdam ko na unti-unti nitong babaguhin ang buhay ko, hindi man ito ngayon. Naniniwala din ako na walang maling desisyon. Mayroon lang MAS maganda at MAS nakabubuti.



Mapapanindigan ko ito. Mapapanindigan natin ito. 

Monday, November 5, 2012

Salamin

Sa likod ng salamin, nakukubli ang malabong paningin--ang katotohanan. Ngunit alin ba ang totoo sa hindi? Ano ang sinasabi ng malabong paningin na siyang tunay at nakukubli?

Tanungin mo ang sarili mo. Totoo ka ba?

**random post

Thursday, May 24, 2012

Para sainyo ate at kuya

Darating at darating ang panahon na kailangan nating maging propesyonal


 Isang araw, narinig ko iyang statement na iyan sa aking kapatid sa YFC community na si kuya Adam. (tingnan ang litrato namin dalawa sa ibaba ). 

From left: Ako, Kuya Adam

Siguro nga, darating talaga ang panahon na kailangan nating iwan ang mga bagay na sobrang mahal natin hindi dahil hindi na natin ito mahal o gusto, kung hindi dahil may naghihintay sa atin sa mas malawak na mundo.

Sa apat na taon kong pagiging bahagi ng YFC, naramdaman ko ang pagmamahal ng mga taong itinuring ko na mga ate at kuya ko sa komunidad na ito. Sila ang mga taong humuhubog, gumagabay, kumakalinga at nagmamahal sa aming mga bago pa lamang sa komunidad na ito. Sila ang nagsisilbing pundasyon ng aming nagsisimula pa lamang na relasyon kay kristo. Sa loob rin ng apat na taon na ito, naramdaman ko rin ang lungkot na unti-unting nawawala ang mga kuya at ate namin sa YFC hindi dahil sa hindi na nila kami mahal. Dumarating lang talaga ang punto na kinakailangan na nila kaming hayaan itayo ang mga sarili namin dahil kailangan din nilang lumago bilang isang tao; lalong higit bilang isang propesyunal. Ito ang nakalulungkot na katotohanan.

Sobrang mahal ko ang mga ate at kuya ko sa YFC. Sobrang blessed ako dahil sila ay naging malaking impact sa aking paglaki.

Ate at kuya, sa inyong pag-alis sa pamilyang ating kinalakhan, gusto ko lang magpasalamat sa lahat lahat ng naibahagi ninyo sa amin. Sa inyo ko natutunan kung paano magmahal ng pagmamahal na hindi binibilang kung gaano na ba karami ang naibigay bagkus ay ang pagbibilang ng ilan pa ang  dapat at makakaya pang ibigay. Sobrang sainyo ko lang po natutunan yakapin ang bawat isa ng buong-buo at walang halong pag-iimbot. Sobrang sainyo ko lang po natutunan ang tunay na sakripisyo, participants muna bago tayo. 

Salamat po! Kung darating na nga ang panahon na kinakailangan niyo na talagang umalis, susubukan po naming maging katulad ninyo. Yayakapin namin ang mga kabataang susunod pang magiging bahagi ng ating lumalagong pamilya.

Wednesday, April 11, 2012

Untitled101

Hndi alam ang dahilan ng aking muling pagdalaw dito sa mundong naging aking sandigan noong mga nakakaraang mga buwan. Marahil dahil dinala lang ako dito ng aking mga kamay para magsulat ng kung ano man.

Gusto ko ang magsulat. Sa pagsusulat nasasalamin ang nakukubling mga saloobin patungkol sa isang usapin. Ito ay buhay. Ito ay lakas. Ngunit sa mga nakakaraang buwan, nawalan na ako ng buhay at lakas para magsulat. Waring natuyong bigla ang aking isipan at nanigas ang aking mga kamay. Hindi na ito makapagsulat. Nawalan na ako ng oras para makipagtalakayan dito sa mundong ito--ang aking sariling mundo na kung saan ako ang bida.

Hindi ko alam ang susunod na pagkakataon. Mas lalong hindi ko alam ang susunod na talakayan. Ang alam ko lamang ay may susunod pa. Ang alam ko lang ay mananatili itong bukas upang salubungin ang panahon na handa na akong muli.